Puspusan na ang imbestigasyon ng Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) kung paanong naipasok sa bansa ang mga nakaimbak na imported rice sa anim mula sa 11 warehouse na una nang ni-raid at pinasara ng mga otoridad.
Kung maaalala, Oktubre 3 nang magsagawa ng raid ang DOF, BIR at Bureau of Customs (BOC) sa 11 warehouse sa Guguinto, Bulacan, matapos mapag-alamang hindi nagbabayad ng tamang buwis ang mga kumpanyang may-ari nito.
Sinabi ni Finance Assistant Secretary Tony Lambino, tinatayang 250,000 na kilo ng imported rice mula sa Vietnam at Myanmar ang nakita sa anim na warehouse na ito pero bigong makapagpakita ng import document ang mga ito.
Ayon kay Asec. Lambino, nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon lalo’t bigong maipaliwanag ng mga ito kung saan nanggaling, paano naipasok sa bansa at kung magkano ang binayaran nilang taripa.
Kailangan aniyang matukoy kung sa paanong naipasok sa bansa ang mga imported products na ito para maipatigil ang anumang iligal na mekanismo na nasa likod nito.