-- Advertisements --

LAOAG CITY – Nangangamba ang mga residente sa Estados Unidos dahil sa pagpapatupad ni President Donald Trump ng mas mataas na taripa sa mga produkto galing sa ibang bansa lalong lalo na sa China, Mexico at Canada.

Sa ulat ni Bombo International News Correspondent Rene Ballenas sa Estados Unidos, nangangamba sila dahil sa pagtaas ng taripa ng mga produkto mula sa mga nasabing bansa ay nangangahulugan din na tataas din ang gagastusin nila sa buong taon.

Aniya, sa ngayon ay hindi pa nila ramdam ang epekto nito pero naniniwala siya na sa mga susunod na araw ay siguradong mararamdaman na nila kapag pumupuntas sila sa mga grocery stores.

Sinabi pa ni Ballenas na ipinangangamba rin nila na kapag magpapatuloy ang trade war sa pagitan ng Amerika at mga ibang bansa ay sila mismong mga ordinaryong mamayan ang talagang apektado.

Ipinaalala rin ni Ballenas na kung sakaling itigil ng mga nasabing bansa ang pag-imports ng kanilang produkto sa Estados Unidos ay siguradong mauubusan sila ng stock at posibleng mauwi ng pagkagutom ng maraming Americano.

Dagdag pa ni Ballenas na ang mga produkto mismo ng Amerika ay mas mahal kaysa mga nanggagaling sa ibang bansa kaya malaking epekto nito sa mga mamayan kung sakaling magpapatuloy ang mataas na taripa sa kanilang mga produkto.

Iginiit ni Ballenas na hindi sapat ang sariling produkto ng Amerika lalo na sa mga pagkain para sa lahat ng Amerikano kaya kailangan nilang mag-export sa ibang bansa.