LEGAZPI CITY – Naniniwala ang isang mambabatas na malaking tulong sana sa pagbaba ng bilang ng mga biktima ng paputok ang inihaing House Bill 1517 o ang panukalang patawan ng karagdagang 20% na excise tax ang mga firecrackers at fireworks.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Ako-Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin Jr., isa sa may akda ng panukala, nai-file aniya ito sa pagsisimula ng 18th Congress.
Nabatid na nasa committee level na ito sa kasalukuyan at inaasahang maipapasa bilang ganap na batas sa susunod na taon.
Aniya, layunin ng panukala na ma-regulate ang mga paputok at mabigyan ng karagdagang tax ang mga manufacturers upang taasan rin ang presyo ng kanilang mga produkto upang makontrol ang access ng publiko sa paputok.
Sa ganitong paraan ay naniniwala ang mambabatas na magdadalawang isip na ang mamimili na gumamit ng paputok lalo pa at madalas na mga biktima nito ang mula sa mga ordinaryong pamilya.