TACLOBAN CITY – Naniniwala si Samar 1st District Rep. Edgar Mary Sarmiento na may kinalaman sa pulitika ang nangyaring pagpatay kay Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino.
Ayon kay Sarmiento, posibleng may pulitiko na nasa likod ng nasabing insidente at makikita rin umano sa nakuhang video na talagang intensyon daw ang pagpatay sa alkalde kung saan ilan sa mga suspek ang bumalik pa sa sasakyan ni Mayor Aquino at muli itong pinagbabaril kahit nakitang wala na itong buhay.
Samantala, ikinatuwa naman ng mambabatas ang mabilis na pag-aksyon ng Department of Justice (DOJ) kung saan pinagbigyan nito ang kanyang kahilingan na magsagawa ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) tungkol sa insidente.
Maliban rito ay naghain na rin ng House Resolution si Sarmiento sa Committee on Public Order and Safety upang magsagawa ng inquiry ang Kongreso.
Samantala, binigyang-diin naman ng Police Regional Office (PRO)-8 na patuloy pa rin ang kanilang gagawing imbestigasyon tungkol sa insidente sa kabila ng gagawing parallel investigation ng NBI.
Ayon kay PLt. Col. Bella Rentuaya, sa ngayon ay nasimulan nang kunan ng pahayag ang mga sangkot sa nangyaring shootout mula sa hanay ng Samar PDEU at mga kapulisan gayundin ang mga civilian witnesses.
Siniguro naman nitong walang mangyayaring white wash sa kanilang imbestigasyon upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay hindi lamang ng kampo ni Mayor Aquino kundi pati na rin mula sa hanay nga kapulisan.
Nabatid naman na sa ngayon ay nadagdagan pa ang bilang nga mga namatay sa insidente matapos bawian ng buhay ang dalawang naitalang sugatan na sina Mansfield Labonete, security ni Mayor Aquino at ang sibilyan na si Clint John Paul Yauder.