TACLOBAN CITY – Naniniwala ang anak ni Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino na ambush ang nangyari sa pagkamatay ng kanyang ama.
Ayon kay Mark Aquino, panganay sa apat na mga anak ni Mayor Aquino, hanggang ngayon ay hindi niya pa rin matanggap ang nangyari sa kanyang ama at hindi niya rin kinayang makita ang resulta ng autopsy kung saan lumabas na aabot sa 21 na tama ng bala ang natamo ng alkalde sa kalahating bahagi ng katawan nito.
Naniniwala rin ang nakababatang Aquino na “overkill” ang nangyari sa kanyang ama kung saan talagang sinadya raw ang pagpatay rito.
Ayon pa rito, halatang planado ang pagpatay sa kanyang ama kung saan sa impormasyon na kanyang nakuha ay ilang linggo bago pa man ang insidente ay ilang beses na namataan na naglilibot umano sa Calbayog City ang sasakyang ginamit ng mga suspek na tila raw pinag-aaralan ang mga dinaanang ruta ng alkalde.
Malabo umanong misencounter ang nangyari at imposible rin na hindi makilala ng mga pulis na si Mayor Aquino ang lulan sa naturang sasakyan gayong ang nasabing van naman ang ginagamit ng alkalde araw-araw.
Sa ngayon hindi pa malinaw ang totoong motibo sa insidente pero naniniwala siyang may kinalaman ito sa pulitika.
Sinabi rin ni Mark Aquino na isa sa kanyang mga katanungan kung nagkataon lang ba na matapos ang 10 taon mula nang patayin si dating Calbayog Mayor Reynaldo Uy, ay kanyang ama naman ang pinatay ngayong taon.
Pahayag pa nito na si Mayor Uy at Mayor Aquino ay mayroong common enemy sa pulitika pero hindi na niya ito pinangalanan.
Binahagi rin nito na ang namatay na pulis na PCapt. Joselito Tabada ay may personal na galit sa kanyang ama.
Sa ngayon, ang tanging kahilingan lang ni Mark Aquino at ng kanyang buong pamilya na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang ama at iba pang mga indibidwal na nadawit sa insidente.