Pina-iimbestigahan na rin sa House of Representatives ang kasong pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Ilang mga mambabatas ang naghain ng resolusyon para siyasatin ang pagpaslang sa gobernador.
Ito ang House Resolution No. 825 na inakda nina Reps. Jefferson Khonghun (Zambales); Sancho Fernando Oaminal (Misamis Occidental); Marie Bernadette Escudero (Sorsogon); Francisco Paolo Ortega (La Union); at Midy Cua (Quirino).
Si Degamo ay tinambangan sa loob mismo ng kaniyang compound sa Barangay San Isidro, Sitio Nuebe Pamplona, kung saan nagkataong namamahagi siya ng ayuda.
Sa nasabing pamamaril siyam ang nasawi kabilang ang gobernador.
Layon ng mga mambabatas sa paghain ng resolusyon ay para mahinto na ang mga kaso ng pagpaslang at pag-atake sa mga politiko.
Nais ng mga Kongresista na magkaroon ng malalimang imbestigasyon, at matukoy din ang mga posibleng motibo ng mga salarin.