LEGAZPI CITY – Kinondena ng Masbate Police Provincial Office ang halos magkasunod na insidente ng pamamaril na biktima ang dalawang pulis sa bayan ng Dimasalang at Pio V. Corpus.
Nakilala ang mga biktimang sina P/Cpl. Randy Almanzor, 39, na nakadestino sa Cataingan Municipal Police Station at Pat. Robert Sularta, 28, ng 2nd Provincial Mobile Force Company at kasalukuyang nakadestino sa Dimasalang PNP.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay P/Maj. Ariel Neri, tagapagsalita ng Masbate PPO, parte umano ng opensiba ng New People’s Army (NPA) ang nangyari kung kaya patuloy ang pagpapaalala sa mga tauhan sa pagsunod sa security measures.
Maituturing naman aniya na “easy target” ang pulisya lalo na sa mga aktibidad gaya ng police community relations.
Sa kabila nito, iginiit ng opisyal ang mahigpit na koordinasyon sa counterpart sa AFP para sa combat operations upang masolusyunan ang problema.
Naka-monitor din umano ang mga ito sa iba pang posibleng pagkilos ng pinaniniwalaang responsable sa dalawang insidente.