BUTUAN CITY – Pambabastos umano sa idineklarang unilateral ceasefire ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpatay ng mga rebeldeng New People’s Army sa dalawang mga senior citizens na mga miyembro ng tribong Manobo sa San Miguel, Surigao del Sur nitong Huwebes ng gabi.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni National Commission on Indigenous People (NCIP)-Caraga regional director Atty. Ferdausi Cerna na ginawa ang krimen sa kabila ng krisis na kinakaharap ngayon ng bansa na coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Mariing kinondena ng opisyal sa pinakataas na level ang brutal na pagpatay kina Zaldy “Domingo” Ybañez, 65; at Datu Bernardino “Bandi” Astudillo, 70, tribal chieftain ng Barangay Magroyong ng nasabing bayan.
Dagdag pa ni Cerna, bahala na umano kung hindi tinugon ng grupo ang tigil-putukan, basta’t nirespeto lang nila ang pagka-senior citizen na ng mga biktima na walang ibang ninanais kundi ang matahimik ang buhay ng mga tribo.