DAGUPAN CITY – Kinondena ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ang nangyaring pagpaslang kay Atty Val Crisostomo, ang abogadong binaril sa harapan mismo ng Justice Hall sa Dagupan City.
Una rito, dumalo umano ang biktima sa hearing ng kasong may kaugnayan sa illegal gambling.
Habang papalabas ng naturang gusali, bigla na lamang pinagbabaril si Crisostomo ng hindi nakilalang suspek lulan ng kanyang motorsiklo.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty Ephraim Cortez secretary general ng NUPL, sinabi nito na mariing tinutuligsa ng kanilang grupo ang pagpaslang sa nabanggit na biktima.
Aniya, ang madalas na pag-target sa mga abogado, piskal man o hukom ay nakakaapekto sa pinakamahahalagang haligi ng sistema ng katarungan sa bansa.
Giit pa nito, walang lugar sa isang sibilisadong lipunan ang pagpatay at karahasan.
Paliwanag ni Cortez, ang mga abogado ay mga propesyunal at hindi dapat iniuugnay sa kanila ang mga krimen ng kanilang mga kliyente.
Sila umano ay nanumpa na itataguyod ang kapakanan ng kanilang mga kliyente na sang-ayon sa batas at malaya mula sa takot at panggigipit.