-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Patuloy pang iniimbestigahan sa ngayon ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng suspek at motibo nito sa insidente nang pagpaslang sa isang barangay kagawad sa lungsod ng Legazpi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bicol Regional Peace and Order Council Chair at Legazpi City Mayor Noel Rosal, batay sa pakikipag-ugnayan sa pulisya, lumalabas na posibleng pasahero ng biktimang si Bitano Brgy. Kagawad Allan Del Ayre ang mismong suspek sa pamamaril.

Ayon kay Rosal, wala kasi umano sa ruta ng tricycle na minamaneho ng biktima ang Barangay Pawa kung saan naganap ang insidente.

Naniniwala itong posibleng nagpahatid pa ang suspek sa lugar bago isagawa ang pamamaril.

Dagdag pa ng RPOC Chairman na posibleng maigi na pinagplanuhan ang pagpatay sa biktima na nagtamo ng apat na tama ng bala sa ulo.

Samantala, tinitingnan ng mga otoridad ang anggulong sangkot sa iligal na droga ang nasa likod ng insidente lalo pa aktibo umano ang kagawad sa anti-drug operation ng PNP bilang miyembro ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC).