LA UNION – Nanatiling palaisipan pa rin sa pulisya ang pagpatay sa punong barangay ng Pangao-aon West sa bayan ng Aringay, La Union.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Capt. Gerardo Macaraeg, hepe ng Aringay Police, sinabi nito na kailangan pa nilang makahanap ng mga katibayan upang matukoy ang tunay na dahil sa pamamaril sa biktima na si Punong Barangay Lourdes Parotina.
Ayon kay Macaraeg, bago ang pagpaslang sa biktima ay may nakapagsabi umano na may nagtatangka sa kanyang buhay ngunit hindi ito nagbigay ng ulat sa himpilan ng pulisya.
Samantala, bubuo na rin ang La Union Police Provincial Office ng special investigation task group na mangunguna sa isasagawang pagsisiyasat sa nangyaring krimen.
Una rito, binaril ng hindi kilalang suspek ang biktima habang ito ay nanonood ng telebisyon sa loob ng kanilang bahay noong nakaraang gabi ng Lunes.