-- Advertisements --
duterte gestures
President Duterte

Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga otoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon kaugnay ng isa na namang kaso ng pagpatay sa isang brodkaster.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, pinatitiyak ni Pangulong Duterte sa mga otoridad na mapapanagot ang mga nasa likod ng pagpatay kay Dindo Generoso na isang block-timer.

Si Generoso na nagpo-programa sa DYEM 96.7 FM ay tinambangan kaninang umaga ng riding-in-tandem suspects sa Brgy. Piapi, Dumaguete City, Negros Oriental.

Walong tama ng bala ng baril ang tinamo ni Generoso dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.

Kaugnay nito, kinokondena ng Malacañang ang nangyaring pagpatay sa brodkaster na sinasabing tumatalakay sa isang kontrobersyal na reclamation project na pinatigil ng DENR kamakailan.