ROXAS CITY – Ipinasiguro ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Undersecretary Joel Egco na magsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa nangyaring pagpatay sa isang radio broadcaster sa Dumaguete City na si Dindo Generoso.
Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay Egco na siya ring executive director ng PTFoMS, sinabi nito na kailangang malaman kung ano ang motibo ng mga suspek sa pagpaslang kay Generoso.
Ayon kay Egco titingnan ng task force kung may mga nasagasaang personalidad si Generoso dahil sa trabaho nito bilang radio blocktimer ng city government.
Titingnan din nila ang anggulong maaaring personal ang motibo sa pagpatay kay Generoso dahil marami rin umanong naging kaibigang mga pulitiko noon ang biktima.
Tiniyak rin ni Egco na iniimbestigahan ng task force ang lahat ng mga kaso ng karahasan laban sa mga kasapi ng media.