Tiniyak ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na pinaiimbestigahan na nila ang nangyaring pamamaslang sa radio broadcaster ng Brigada News FM sa Kidapawan na si Ed Dizon.
Sinabi ni PTFoMS Executive Director Joel Sy Egco, nakarating na sa kanilang kaalaman ang insidente at pinasisiyasat na niya ang nangyaring pananambang sa radio announcer.
Batay sa ulat, papauwi na sana si Dizon mula sa trabaho nang siya ay barilin sa loob ng kanyang sasakyan.
Nagtamo ng apat na tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima na dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.
Napag-alamang isa sa tinatalakay na isyu ni Dizon bago mapatay ay ang mga grupong sangkot umano sa pyramiding scam.
Kinondena naman ng National Union Journalist of the Philippines-Kidapawan City Chapter ang sinapit ni Dizon.