-- Advertisements --
Atty Frederic Santos
Atty. Fredrick Anthony Santos

CAUAYAN CITY – Naglaan na ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) national chapter ng P25 million na pondo para malutas ang mga kaso ng pagpatay sa mga abogado, fiscal at hukom.

Ang hakbang ng IBP ay kaugnay ng panibagong kaso ng pagpatay sa isang abogado.

Kinondena ng IBP ang pagbaril at pagpatay kay Atty. Fredrick Anthony Santos, legal division chief ng Bureau of Corrections (BuCor).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Domingo “Egon” Cayosa, presidente ng IBP national chapter na muli silang nanawagan sa mga imbestigador na bilisan ang paglutas sa kaso ng pagpatay sa mga abogado na ang pinakahuli ay ang pagbaril at pagpatay kay Atty. Santos nitong nakalipas na araw.

Iginiit ni Cayosa na kung paulit-ulit ang ganitong kaso ng pagpatay na walang solusyon ay sino pa ang maniniwala sa justice system kung mismong mga abogado, fiscal at huwes na nagpapatakbo nito ay biktima ng karahasan at paglabag sa rule of law.

Kung hindi aniya natutukoy at napaparusahan ang mga kriminal at mastermind ay lalong naglalakas ng loob ang mga kriminal at nawawalan ng tiwala ang mga tao sa justice system at kapag may problema sila ay gantihan na lang.

Sinabi pa ni Atty. Cayosa na maraming anggulo sa pagpatay kay Atty. Santos ngunit ang matingkad ay posibleng pinatahimik siya lalo na’t gusto na niyang magsalita ng katotohanan at maging state witness laban sa mga sangkot sa kontrobersiya sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).