-- Advertisements --

Iginiit ni PNP chief Oscar Albayalde na walang kaugnayan sa trabaho ang naging pagpatay kay Ombudsman prosecutor Atty. Madonna Joy Tanyag.

Ayon kay Albayalde, batay sa imbestigasyon, lumalabas na robbery hold-up ang motibo sa pagpatay sa Ombudsman lawyer kung saan ang naarestong principal suspek na si Angelito Avenido ay miyembro ng “basag-kotse” gang.

Nakuha din sa posisyon ng suspek ang dalawang ID ni Atty. Tanyag.

Giit pa ni Albayalde, malakas ang ebidensiya laban kay Avenido kung saan hindi umano ito isang “fall-guy.”

Dagdag pa ni PNP chief na ang napatay na prosecutor ay “chance victim” ng suspek.

Samantala, kabilang sa mga kontrobersiyal na kaso na hawak ni Tanyag sa Sandiganbayan ay ang Malampaya case; kaso laban sa mag-amang Jejomar at Junjun Binay ukol sa maanomalyang construction ng Makati City Hall Parking Building; ex-Caloocan Mayor Recom Echiverri; dating Iloilo Rep. Judy Syjuco at iba pa.

Ayon naman kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief C/Supt. Guillermo Eleazar na iimbestigahan din ng Quezon City Police District ang iba pang posibleng motibo sa pagpatay sa prosecutor lalo na ang anggulo na may kinalaman sa kaniyang trabaho.

Habang sinabi naman ni Quezon City Police District Director C/Supt. Joselito Esquivel na nagpapatuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon sa kaso ni Tanyag.