-- Advertisements --

Hindi na inirekomenda ng Philippine National Police (PNP) na patayin pansamantala ang cellphone signal sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes.

Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, ipinauubaya na nila ito sa Presidential Security Group (PSG) kung ire-request sa mga telecommunication companies na patayin ang cellphone signal.

“Automatic naman ‘yun before the arrival of the President usually naman ‘yan, its the call of the PSG but the PNP we have no request ‘yung pagpatay temporarily ng signal duon,” pahayag ni Albayalde.

Nasa 15,000 police personnel ang ipapakalat sa SONA na magbibigay seguridad hindi lamang sa may Batasan, kundi maging sa lugar kung saan may rally.

Bukod sa mga uniformed PNP personnel, may mga civilian clothes policemen ang ipapakalat lalo na sa mga lugar kung saan may kilos protesta.

Layon ng PNP ay para maiwasan na may mga kalaban ang makapag-penetrate at magsimula ng kaguluhan.

Tiniyak naman ni Albayalde na nakahanda na sila sa pagbibigay ng seguridad kung saan sa Lunes ng umaga ay personal na iinspeksyunin nito ang mga naka-deploy na pulis.