DAVAO CITY – Hindi isinasantabi ng kapulisan ang posibilidad na may kaugnayan sa investment scam ang motibo sa pagpatay sa isang chief executive officer (CEO) sa Crowd Royals Real Estate Services na tumakas papuntang Cebu.
Una nang nahaharap sa kasong large scale estafa ang biktima na nakilalang Armando Bernaldez Oppus, residente ng Doña Vicenta sa lungsod ngunit tumakas ito.
Hindi kasi nakapag-pay out sa kanilang mga investors hanggang sa marekober ito na wala ng buhay sa Barangay Cansomoroy sa Cebu.
Nakita rin ng Scene of the Crime Operatives (Soco) sa lugar ang basyo ng bala ng .45 caliber pistol at ang sinunog na MUX Nissan SUV na nasa Sitio Cambagocboc, Brgy. Sunog, Balamban.
Sa imbestigasyon ng mga otoridad, tumakas si Oppus kasama ang isang Emond Bariga Quiñones at Judy Ann Dalatina-Estrella dala umano ang P400 million na pera ng mga investors sa Davao region noong nakaraang Hulyo 27, 2019 dahilan kaya nagsampa ang mga biktima ng reklamo sa Davao City Anti-Scam Unit.
Nanghingi rin ng tulong ang mga biktima sa National Bureau of Investigation (NBI) para mahuli ang suspek.
Dahil sa sinapit ng biktima, tanging ang mga suspek na lamang na sina Quiñones at Estrella ang mahaharap sa kasong large scale estafa.