Mayroong nakitang “grand conspiracy” si Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Ty Pimentel sa ginawang pagpatay sa mga nakakulong na Chinese drug lords sa panahon ng pamamahala ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa pinakahuling pagdinig ng quad committee ng Kamara de Representantes sinabi ni Pimentel na hindi maitatanggi na sangkot ang ilang opisyal ng pamahalaan at kapulisan sa extrajudicial killings na iniuugnay sa madugong war on drug campaign ng nakaraang administrasyon.
Nakasama umano ni Tan sa pagpapatay ang kakosa na si Fernando “Andy” Magdadaro at nakasabwat ang mga pulis gaya nina SPO4 Arturo “Art” Narsolis, Lt. Col. Royina Garma, at Supt. Gerardo Padilla, na dating warden ng Davao Prison and Penal Farm.
Sa mosyon ni Pimentel, pina-iimbita nito sa pagdinig ng komite ang mga nabanggit na indibidwal na nabanggit nina Tan at Magdadaro.
Napansin ni Pimentel ang nakababahalang pattern sa ginawang pagpatay.
Sa 32 nakakulong na Chinese nationals dahil sa droga, tatlo lang ang nakakulong sa DPPF, habang ang 29 na iba ay napaulat na nasawi sa iba pang detention centers.
Para mapatunayan, hiniling ni Pimentel sa Bureau of Corrections (BuCor) na isumite ang komprehensibong listahan ng Chinese nationals na namatay habang nagsisibi ng kanilang sintensya sa mga kaso ukol sa droga mula 2016 hanggang 2017.
Ayon kay Pimentel posibleng bahagi ng isang malawakang plano ang pagpatay sa mga Chinese drug lords sa iba’t ibang kulungan sa bansa at hindi malayo na may kaugnayan dito ang mga nasa matataas na puwesto ng gobyerno.
Binigyang-diin ni Pimentel na isa itong alegasyon na nangangailangan ng masusing imbestigasyon.