CAUAYAN CITY – Kinondena ng pamunuan ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang pagpatay ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa isang environmental officer ng Task Force Kalikasan at pagtake-over sa DENR at LGU checkpoint sa Sindon Bayabo, lungsod ng Ilagan.
Batay sa naunang report inagawan ng mga service firearms ang dalawang pulis na magdadala sana ng kanilang compliance report sa kanilang provincial headquarters.
Ang mga inagawan ng dalawang Glock 9mm service firearms ay sina M/Sgt Jun Luis Baribad at Cpl Bryan Balisi na kapwa miyembro ng Divilacan Police Station sa coastal town ng Divilacan, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, kinumpirma ni Col Mariano Rodriguez, provincial director ng IPPO ang pagpatay kay environmental Officer Celso Asuncion ng Task Force Kalikasan.
Kinondena ni Rodriguez ang ginawa ng mga rebelde at iginiit na hindi sagot ang karahasan para ipabatid ang kanilang pagtutol sa pagpapaalis sa mga illegal settlers sa forest protected area sa Sitio Laguis, Sindon Bayabo.
Idinamay pa nila ang dalawang pulis na iniimbestigahan ngayon ng Police Regional Office (PRO2) dahil sa pang-aagaw ng mga rebelde sa kanilang mga service firearms.
Inako naman nang tinaguriang nagpapakilalang Reynaldo Piñon Command ng RPC-NPA ang pag-take-over sa checkpoint ng DENR at LGU Ilagan kung saan naharang ang dalawang pulis.
Sa pinalutang na statement na nanggaling daw sa Reynaldo Piñon Command, inamin ang pangha-harass sa checkpoint bilang tugon sa umano’y pagpapalayas at paggiba sa mga bahay ng mga magsasakang matagal nang naninirahan sa Sitio Laguis sa Barangay Sindon Bayabo.
Inihayag pa nila na dati nang nakaposisyon daw ang mga magsasaka at napaunlad na ang lupa bago ang Ilagan-Divilacan Road Rehabilitation Project at ang deklarasyon na protektado ang Northern Sierra Madre Natural Park noong 2001.
Sa survey ng DENR noong 1991 ay hindi umano kasama ang Laguis protected area.