LA UNION – Nakiisa si Atty. Gerry Cirilo sa pakiki-simpatiya ng Integrated Bar of the Phils. (IBP) at nang sambayanan sa iniwang pamilya ng pinatay na RTC Judge na si Mario Anacleto Bañez.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo sa dating Labor Region-1 Director na si Atty. Cirilo, tinawag nitong kaduwagan ang paraan na pagpatay kay Bañez matapos maambush noong Martes, Nobyembre 5.
Hindi aniya maikakaila na isipin ng karamihan na posibleng may kaugnayan sa trabaho ni Bañez bilang hukom sa Tagudin, Ilocos Sur ang pagkakapaslang nito, ngunit hangad nitong malaman ang totoong motibo, sa pamamagitan ng resulta ng imbestigasyon na ilalabas ng mga otoridad.
Hirit ng abogado na maaring may iba pang motibo sa pagpatay sa hukom, na posibleng may personal na kaalitan o di kaya’y asasinasyon.
Ngunit sa kabila ng pangyayari, iginiit ni Atty. Cirilo na hindi dapat matakot ang prosekusyon sa pagpapatupad ng kanilang trabaho dahil mandato nila ito.
Ang mahalaga aniya ay mabigyan ng solusyon ang nangyaring krimen sa tulong ng tinatawag na, ‘The Five Pillars of the Criminal Justice System.”