-- Advertisements --

KORONADAL CITY – May persons of interest na umanong tinututukan sa ngayon ang pulisya sa nangyaring pamamaril-patay sa isang Human rights lawyer at Vice Chairman ng Union Peoples Lawyer of Mindanao (UPLM) na si Atty. Juan Macababad.

Ito ang inihayag ni Police Col. Jemuel Siason, provincial director ng South Cotabato sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Col. Siason, planado ang pagpatay kay Atty. Macababad ng tatlong mga hindi pa nakikilalang mga suspek na pinaniniwalaang mga hired o kasapi ng armadong grupo.

Lumabas din sa imbestigasyon ng pulisya na may natanggap na umanong death threat ang abogado mula sa isang kliyente nito bago pa man nangyari ang pagpaslang sa kanya.

Sa ngayon, job related ang tinitingnang motibo sa pagpatay sa biktima.

Ngunit, inaalam din umano nila ang anggulong may kaugnayan sa droga matapos na may nakuha sa crime scene na envelope na naglalaman ng isang sachet ng pinaniniwalaang shabu na subject for examination pa sa crime laboratory.

Sa ngayon, mahigpit na kinukundena ng pamilya at mga kasamahan nito ang nangyari sa biktima.

Halos hindi naman makapaniwala ang pamilya ng abogado na may nakitang droga sa biktima.

Matatandaan na nagtamo ng anim na tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.