Inatasan ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar ang Police Regional Office Cordillera (PROCOR) na bumuo ng Special investigation Task Group para tutukan ang pamamaslang sa isang ex-mayoralty candidate sa Abra.
Ang biktima na si Dr. Amor Trina Dait, resident doctor ng La Paz District Hospital at dating tumakbo sa pagka-alkalde ng Bayan ng Pilar noong nakaraang halalan, ay pinagbabaril sa loob ng kanyang tahanan sa Barangay Poblacion, Pilar nitong Sabado ng gabi.
Ipinaabot ng PNP Chief ang pakikiramay sa pamilya ng doktor at sa buong medical community, kasabay ng pangakong personal niyang tutukan ang kaso.
Nangako si Eleazar na lahat ng angulo sa kaso ay bubusisiiin ng PNP upang matukoy ang mga responsable sa krimen.
Una nang inatasan ng PNP Chief ang lahat ng mga police commanders na paigtingin ang kampanya laban sa loose firearms at mga private armed groups bilang paghandaan sa darating na eleksyon.