(Update0 LA UNION – Ikinagulat ng mga kaibigan at kakilala ni Judge Mario Anacleto Bañez, ang biglaang pagkamatay nito matapos pagbabarilin ng pinaniniwalaang riding in tandem suspects sa Barangay Mameltac, San Fernando City, La Union pasado alas 5:00 kahapon.
Ayon sa ilang mga kaibigan ni Judge Bañez sa Alilem, Ilocos Sur nagulat sila sa pangyayari dahil alam naman nilang mabait na tao ang biktima at katunayan, isa itong seminarian.
Si Bañez, 53, ay nanilbihan bilang dating acting Judge ng 13TH MCTC sa Alilem-Sugpon noong 2007-2011, naging judge din ng 12TH MCTC sa Tagudin-Suyo, Ilocos Sur bago hinirang na RTC Judge sa Tagudin, Ilocos Sur.
Magugunitang tinambangan ng hindi nakilalang mga suspek ang biktima nang pauwi na ito sa kanilang bahay habang lulan ng kanyang kotse.
Dinala sa Bethany Hospital sa syudad ngunit dahil umano sa tindi ng mga sugat na tumama sa kanyang katawan ay binawian din ito ng buhay.
Sa ngayon nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga otoridad para matukoy kung may kaugnayan sa trabaho nito bilang judge o personal ang motibo sa pagpatay kay Judge Bañez.
Ngunit napag-alaman na noong nakaraang buwan ng Setyembre, base sa desisyon ng huwes, inabsuwelto nito sa kasong murder ang isang health worker sa Cordillera, na si Rachel Mariano.
Si Mariano ay inaakusahan ng militar na miyembro ng New People’s Army (NPA), na umano’y utak sa pag-ambush sa 81st Infantry Battallion noong 2017 sa Quirino, Ilocos Sur na ikinamatay ng isang sundalo.
Pang-anim na si Bañez na pinatay na judge sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.