-- Advertisements --
PNP Chief Albayalde
PNP chief Gen. Oscar Albayalde

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na gumagawa na sila ng hakbang para maresolba ang kasong pagpatay sa mga abogado sa Rizal at Pangasinan.

Ito’y kasabay ng pagbuo sa Special Investigation Task Group (SITG) para tumutok sa magkahiwalay na krimen.

Ayon kay PNP chief Gen. Oscar Albayalde, ongoing ang imbestigasyon ng SITG na binuo ng Police Regional Office 4-A na tututok sa pagpatay kay Atty. Edilberto Golla sa Rodriguez, Rizal.

Maging ang SITG na binuo ng Police Regional Office 1 ay gumagalaw na rin para matukoy kung sino ang nasa likod sa pagpatay kay Atty. Val Crisostomo sa Dagupan City, Pangasinan.

Sa ngayon ayon kay Albayalde, wala pa silang resulta na natatanggap na resulta sa parehong imbestigasyon.

Nilinaw naman nito na ang mga krimen ay walang kinalaman sa eleksyon, bagkus ay posibleng “work related.”

Nabatid na parehong May 17 nang binaril si Golla sa harap ng isang subdivision sa Rizal, habang si Crisostomo naman ay binaril sa harap mismo ng Justice Hall ng Dagupan City.