-- Advertisements --
William Dar DA
Agriculture Secretary William Dar

VIGAN CITY – Ipinag-utos na ng Department of Agriculture na maitama ang pinaniniwalaang maling pagpatay sa mga baboy na naapektuhan ng hindi pa matukoy na sakit, lalo na sa Antipolo, Rizal.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na pinagsabihan na umano nito ang mga tauhan niya sa ground zero command na sundin ang tamang protocol sa pagdepopulate sa mga baboy.

Ito ay may kaugnayan sa reklamo ng ilang residente sa Barangay Cupang, Antipolo sa paraan ng pagpatay sa mga baboy na pinaniniwalaang nagkasakit na di umano’y isinako, inilibing nang buhay at saka tinabunan ng lupa gamit ang backhoe.

Maliban pa dito, ipinag-utos na rin ng opisyal na muling pag-igtingin ang quarantine operations sa mga lugar kung saan may mga napaulat na mga baboy na namatay dahil sa hindi pa matukoy na sakit na nakaapekto sa mga ito.

Tiniyak naman nito na mayroong tulong na ibibigay ang ahensya sa mga mawawalan ng baboy kung saan makakakuha umano ng PHP 3,000 cash assistance ang mga bakcyard raisers na maaapektuhan at kapag napuksa na ang virus sa lugar, bibigyan din ang mga ito ng mga bagong biik sa pagsisimula nilang muli sa kanilang kabuhayan.