-- Advertisements --

Ibinunyag ng PNP na kanila nang iniimbestigahan ang pagpatay sa dating chief of police ng Jolo, Sulu na nahaharap sa mga kaso kasunod ng pagpatay sa apat na intelligence personnel ng Philippine Army noong Hunyo 29.

Ayon kay PNP spokesperson PBGen. Ildebrandi Usana, ipinag-utos na mismo ni PNP Chief General Debold Sinas sa regional director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-BARMM) ang pagsiyasat sa pagkamatay ni PLt. Col. Walter Annayo.

Sinabi ni Usana, inaalam pa sa ngayon ng mga imbestigador ang motibo sa pagpatay sa opisyal.

“For now, the PNP cannot ascertain, much less release any result yet as to the motive behind, not even the connection to his previous assignment as chief of police of Jolo police station where the case involving the alleged shootout between the police and military operatives last [June] happened,” ani Usana.

Una rito, bibili lang sana ng buko si Annayo nang barilin ito ng hindi pa nakikilalang suspek sa Maguindanao nitong Sabado ng hapon.

Matatandaang nahaharap sa reklamong murder si Annayo, limang iba pang pulis sa Jolo, at tatlong kasapi ng Sulu Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) sa National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pagkasawi ng Army intelligence operatives sa Jolo.

Ilang buwan naman matapos ang insidente, naghain din ng administrative cases at criminal complaints ang PNP Internal Affairs Service laban sa mga dawit na pulis.