Ikinalugod ng PBA at ng Philippine Football Federation (PFF) ang ibiigay na go-signal ng Inter-Agency Task Force (IATF) para sa pagbabalik ng mga practice at conditioning sa basketball at football sa gitna ng umiiral na community quarantine.
Kasabay nito, nagpasalamat si PBA commissioner Willie Marcial sa IATF sa pag-apruba sa guidellines na magbibigay-daan sa pagsisimula ng team training sa professional basketball at maging sa football.
Ayon kay Marcial, dahil sa nasabing hakbang, tiwala itong makakabalik pa rin ang PBA at maituloy ang ipinagpalibang Philippine Cup.
“Step by step lang. Siyempre, malaking pasasalamat natin sa IATF dahil binigyan na nila tayo ng go-signal para makapag-practice na ang mga teams,” wika ni Marcial. “Kahit paano on-track ang PBA.”
Sa susunod na buwan ay nakatakdang magpulong ang PBA para pagpasyahan kung itutuloy o kakanselahin na ang season.
Pero dahil sa latest development, inaasahan ni Marcial na magpapatawag si PBA chairman ng panibagong board meeting para talakayin ang nasabing paksa.
Sa ngayon, hinihintay na lamang ng opisyal ang pormal na abiso mula sa Games and Amusement Board para simulan ang mga team practice.
Samantala, welcome din para sa football federation ang naging pasya ng IATF.
Sa isang pahayag, sinabi ni PFF President Mariano Araneta, susunod nilang hakbang ngayon ang pagsiguro sa kalusugan at kaligtasan ng kanilang mga players, lalo pa’t naghahanda rin sila sa pagbubukas ng Philippine Football League.
“We thank both IATF and GAB (Games and Amusements Board), headed by Chairman Abaraham Mitra, for their approval in ensuring that professional sports may push through despite the ongoing pandemic. The next step now is to ensure the health and safety of the players, as we prepare for the start of the PFL,” ani Araneta.