Kumpiyansa ang Malacañang na malabong mauwi sa treason ang pagpayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na makapangisda ang mga Chinese sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas sa bahagi ng West Philippine Sea.
Ang EEZ ay lugar kung saan dapat mga Pilipino lamang ang gagamit at makikinabang sa anumang yaman, resources, isda at likas na yaman.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, malayong maituturing na treason ang pahayag ni Pangulong Duterte kung sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ay puwede namang payagang makakuha ng yamang dagat ang alinmang bansa sa ating EEZ basta’t may pahintulot natin.
Ayon kay Sec. Panelo, bilang kaibigang bansa ang China, maaaring pagbigyan ang mga Chinese na mangisda sa naturang lugar kahit na dapat ay eksklusibo lamang sa mga Pilipino.
Magugunitang marami ang umalma matapos sabihin ni Pangulong Duterte na papayagan niyang mangisda sa EEZ ang mga Chinese fishermen sa kabila ng nangyaring Recto bank incident kamakailan.
Samantala, inihayag naman ni Sec. Panelo na lilinawin pa niya kay Pangulong Duterte kung isang policy statement na ang naging pahayag nito na hindi pagbabawalan ang China na mangisda sa EEZ ng bansa.