Nilinaw ng Malacañang na bagama’t nag-endorso na si Pangulong Rodrigo Duterte ng House speaker at inianunsyo ang term-sharing setup nina Taguig Rep. Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, naka-depende pa rin sa mga kongresista kung sino ang pipiliin nilang lider sa July 22.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, maaari pa ring suwayin o sundin talaga ng mga kongresista si Pangulong Duterte kaugnay sa speakership.
Ayon kay Sec. Panelo, mga kongresista ang hahalal ng kanilang lider at hindi naman si Pangulong Duterte.
Iginiit ni Sec. Panelo na napilitan lamang si Pangulong Duterte na pumagitna na para matapos ang na problema o impassè sa pagitan ng mga contenders na sina Cayetano, Velasco at Leyte Rep. Martin Romualdez na magiging House Majority Leader para maiwasan ang pagkawatak-watak ng koalisyon.
Nitong weekend, umatras na sa speakership race ang anak ni Pangulong Duterte na si Congressman Paolo Duterte at iniendorso si Davao 3rd District Rep. Isidro Ungab.
Maging si Davao City mayor Inday Sara Duterte na founder ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) ay nagpahayag din ng suporta kay Cong. Ungab.
“Aba’y na—nasa kanila ‘yan kasi sila naman ang boboto, hindi naman si Presidente. Ayaw ni Presidenteng makialam, eh gusto nila pakialaman niya. Pero actually. ‘yun lang naman ang pakialam doon sa sabi niya nga, ‘yun lang pulitika ninyo pero ‘yung trabaho n’yo eh bahala na kayo diyan, trabaho n’yo ‘yan eh,” ani Sec. Panelo.