BUTUAN CITY – Kinondina ng Bayan Muna partylist ang pagpo-pose ng militar sa bangkay ng anak ng kanyang kasamahang si Rep. Eufemia Cullamat na si Jevilyn Cullamat na napatay sa engkwentro sa Brgy. San Isidro, sa bayan ng Marihatag, lalawigan ng Surigao del Sur.
Sa eksklusibong panyam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Bayan Muna partylist Rep Carlo Isagani Zarate, na parang ginawang trophy ng militar ang pagpakita sa mga armas kasama ang bangkay ni alyas Ka Reb, 22-anyos na nag-viral ngayon sa social media.
Sa pagkamatay sa anak ni Cullamat, wala umanong napatunayan ang militar sa kanilang akusasyon na ang Bayan Muna, ay front ng komunista at hindi umano dapat gawing basehan ang pagkapatay ng nakababatang Cullamat lalo na’t ang mga lumad na mas piniling umanib sa makaliwang kilusan ay dahil umano sa kanilang nasaksihang pang-aabuso ng militar lalo na sa kanilang lugar na kilalang highly militarized area .
Partikular na nasaksihan ng mga residente ng Sitio Han-ayan, Brgy. Diatagon, sa bayan ng Lianga, Surigao del Sur ay ang pagpatay umano ng tropa sa isang school director at dalawang mga tribal leaders nitong Septembre a-1, 2015.
Nakilala ang mga pinatay na sina Emerito Samarca, 54-anyos, executive director ng Alternative Learning Center for Agriculture and Livelihood Development (ALCADEV) at mga lumad leaders na sina Dionel Campus at Aurelio Sinzo.
Ito rin umano ang dahilan na kahit pareho sila ng prinsipyo ng kanyang anak, ay nirespeto ni Congresswoman Cullamat ang desisyon ng kanyang anak na mas piniling sundan ang makaliwang kilusan.