-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Kinumpirma na ng pamunuan ng Philippine Military Academy (PMA) ang pagpositibo sa COVID-19 ng mga kadete, civilian human resource at organic military personnel ng akademya.

Sa opisyal na pahayag ng PMA sa pamamagitan ni public information officer Major Cherryl Tindog, nakasaad na natulasan ito sa pamamagitan ng isinagawa doon na mass RT-PCR testing para sa COVID-19 kung saan bahagi ito ng expanded testing effort ng lokal na pamahalaan at ng IATF.

Bagaman isinara ang akademya sa publiko at kinansela ang mga contact activities ng mga kadete mula ng magsimula ang pandemya, sinabi ng pamunuan ng PMA na may posibilidad na makapasok ang virus sa bubble dahil sa araw-araw na aktibidad ng buong komunidad.

Sinabi ni Tindog na naayos na naiulat at nai-coordinate ang mga kaso sa health officials ng Baguio City at sa kasalukuyan ay sumasailalim sa tamang treatment ang mga pasyente habang natuntun at na-isolate na ang mga contacts ng mga ito kasabay ng disinfection sa mga affected areas kaya kontroladona ang virus sa loob ng akademya.

Pinagpapasalamat din ng PMA na pawang asymptomatic ang mga pasyente kung saan ilan sa mga kadete na nagpositibo ang gumaling na.

Ipinasisigurado pa nito sa mga magulang at pamilya ng mga kadete na tinututukan ng pamunuan ng akademya ang pangangailangan at kalusugan ng mga ito.

Batay sa record ng Baguio City Health Services Office noong December 31 at January 1, kabuuang 37 na indibidual ang nagpositibo sa Fort Del Pilar kung saan matatagpuan ang PMA at karamihan sa mga ito ay may edad na 19-24.