Pinayagan ng Sandiganbayan ang prosecutors na magpresenta ng dagdag na ebidensiya sa inihaing kasong graft at technical malversation laban kina dating Health Secretary Janette Garin at 4 na iba pa kaugnay sa kontrobersyal na pagbili ng P3.5 bilyong halaga ng Dengvaxia vaccine noong 2015.
Sa resolution na inisyu noong July 15, kinatigan ng anti-graft court ang mosyong inihain ng prosecutors para isama ang mga ebidensiya na hindi parte ng rekord sa preliminary investigation ng mga kaso.
Ang mga ebidensiyang ito ay ang Food and Drug Administration (FDA) Task Force Dengvaxia Report na may petsang March 12, 2018 gayundin ang 201 files mula sa Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) Human Resource Department.
Kasama sa mga sinampahan ng paglabag ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act maliban kay Garin ay sina Director Maria Joyce U. Ducusin, Undersecretary Gerardo Bayugo, former undersecretary Kenneth Y. Hartigan-Go, at Philippine Children’s Medical Center (PCMC) Executive Director Julius Lecciones.