CENTRAL MINDANAO- Pinababilisan ngayon ni Cotabato Governor Nancy Catamco ang pag proseso ng mga kinakailangang dokumento para matapos na ang Central Mindanao Airport na matatagpuan sa Barangay Tawan-tawan, Mlang, Cotabato.
Ginawa ni Catamco ang pahayag sa isinagawang pagpupulong kasama ang mga may-ari ng lupa sa Capitol Rooftop, Amas, Kidapawan City.
Kung matatandaan, isa sa mga prayoridad ng administrasyon ni Catamco ang pagkumpleto at pagpapatapos ng Central Mindanao Airport na ayon sa kanya magdadala ng maraming mamumuhunan at magpapalago sa ekonomiya at turismo ng probinsya.
Inatasan ng gobernadora si Provincial Legal Officer Atty Jonah Mineses na bilisan ang pagproseso sa confirmation of sale at iba pang dokumentong kinakailangan upang maipagpatuloy ang nabalam na proyekto.
Dagdag pa ni Catamco na kailangang ring matugunan ang mga problemang ipinaabot ng mga may-ari ng lupa kabilang na dito ang pagbabayad nila ng buwis sa lupang nabili na ng provincial government.
Nagpasalamat naman si dating Mlang Mayor Luigi Cuerpo, isa sa mga landowners sa naging tugon ni Catamco at sa pagbibigay nito ng kautusan sa mga ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa agarang pagresolba ng problema sa Mlang airport.