Hindi muna tatanggap ng mga bagong aplikasyon ng pabahay ang National Housing Authority upang mabigyang daan ang pagsasaayos ng kanilang sistema katuwang ang mga lokal na pamahalaan.
Nakikipag-ugnayan na aniya ang kanilang ahensya sa mga Local Government Units upang matukoy ang mga kwalipikadong benipisyaryo para sa abot-kayang pabahay ng gobyerno.
Asahan daw na sa mga susunod na araw ay maglalabas ang National Housing Authority ng mas pinadaling proseso ng aplikasyon.
Binigyang linaw ng ahensya na walang sinuman ang inatasan na makipag-usap upang mag-proseso ng aplikasyon para sa libreng pabahay at humingi ng anumang kapalit.
Batay sa mandato ng National Housing Authority, layunin nitong gumawa ng dekalidad at abot kayang pabahay para sa mga Informal Settler Families, mga indibidwal na naninirahan malapit sa mga daluyan ng tubig, daanan ng tren at mga naapektuhan o natamaan ng mga proyekto ng pamahalaan.
Sakop rin nito ang mga pamilyang apektado ng desisyon ng Korte Suprema ukol sa paglilinis ng mga waterways patungong Manila Bay at mga nasalanta ng kalamidad at sakuna.