Hinimok ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Jaime Bautista ang maritime sector na ihanay ang mga proyekto nito sa mga proyekto ng pamahalaan sa pagprotekta sa marine environment.
Sa isang mensahe, sinabi ng kalihim na dapat ay maging ‘collective’ ang mga proyekto para sa pagprotekta mga marine resources ng bansa.
Ibig sabihin, kailangan ang magkakasamang pagprotekta sa maritime industry at hindi lamang paisa-isa o nagkakahiwalay.
Maaari aniyang magtulungan ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan, Philippine Coast Guard, Maritime Industry Authority, Philippine Ports Authority, at iba’t-ibang mga non-government organizations (NGOs) para sa naturang proyekto.
Ayon sa kalihim, mas magiging komprehensibo ang sama-samang pagprotekta sa mga katubigan ng bansa, kasama na ang biodiversity sa ilalim nito.
Una nang bumuo ang DOTr ng mga proyekto sa ilalim ng Maritime Industry Development Plan (MIDP) 2028 na sumusupurta sa Blue Economy, isang konsepto na binubuo ng sustenableng paggamit sa mga marine resources para mapagbuti ang kabuhayan, ekonomiya, at kaayusan ng mga karagatan ng bansa.
Kasabay nito ay hinimok ng kalihimi ang publiko na makiisa sa mga conservation at protection campaign na isinasagawa ng pamahalaan at iba’t-ibang mga grupo para sa karagatan.