CAUAYAN CITY- Maaaring maharap sa criminal offense na isasampa ng Justice Department laban kay dating U.S. Pangulong Donald Trump kung mapapatunayan na may mga itinatago siyang dokumento lalo na ang naganap na paglusob ng kanyang tagasuporta sa Capitol Hill noong January 6, 2021.
May umiiral na Official Records Act sa Estados Unidos kaya kailangang dalhin sa National Archives and Records Administration (NARA) na national repository ng mga official documents ng pamahalaang federal lalo na sa tanggapan ng Pangulo.
Lahat ng mga dokumento tulad ng memorandum, speech at regalo na may kaugnayan sa pagtupad sa tungkulin ng pangulo ay hindi dapat sirain kundi ilagay sa ligtas na lugar.
Pagkatapos ng termino ng pangulo ay kailangang dalhin ang mga records sa NARA.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Jon Melegrito, news editor sa isang pahayagan sa Washington DC na natuklasan ng NARA na maraming dokumento ang hindi isinumite ng tanggapan ni dating Pangulong Donald Trump.
Kinumpirma ng ilang dating chief of staff ni Trump na pinupunit niya umano ang mga dokumento may kaugnayan sa mga kinasangkutang kontrobersiya.
Kinukuha ng mga staff ang itinatapon niyang dokumento sa waste basket.
Isinauli ni Trump sa NARA ang anim na kahon ng mga dokumento na iniuwi niya sa kanyang bahay sa Florida.
Natuklasan sa mga dokumentong ito ay may mga top secret at classified information.
Kabilang dito ang palitan ng sulat nina Trump at lider ng North Korea na si Kim Jong-Un at sulat ni dating Pangulong Barack Obama.