-- Advertisements --

Patuloy na bumubuhos ang mga mensahe ng pagpupugay para sa pinatay na trial court judge sa loob ng kanyang opisina sa lungsod ng Maynila.

Matatandaang namatay nitong Miyerkules ng hapon si Judge Maria Teresa Abadilla ng Manila Regional Trial Court Branch 45 matapos barilin ng kanyang clerk of court na si Atty. Amador Rebato, Jr.

Ayon kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen, si Abadilla ay isa sa mga “shining lights” sa hudikatura ng bansa.

Ang UP Portia, na law school sorority ni Abadilla, ay inalala ang huwes para sa anila’y hindi matutumbasa nitong commitment sa rule of law at sa debosyon sa paghahatid ng hustisya.

Maging ang Integrated Bar of the Philippines ay nagpaabot din ng pakikiramay sa naulilang pamilya nina Abadilla at Rebato.

Maging si Chief Justice Diosdado Peralta at dating chief justice Lucas Bersamin ay nagpaabot din ng pakikidalamhati para sa pamilya ng biktima, na nagsilbing law clerk sa Korte Suprema ng mahigit isang dekada bago umupo bilang judge.

Una nang ipinag-utos ni Peralta ang paghihigpit ng seguridad sa mga korte sa bansa kasunod ng insidente.