LA UNION – Magsasagawa ng pagsisiyasat ang mga kinauukulan hinggil sa nangyaring pagputol ng mga bakawan o mangroves sa Purok 6, Barangay Biday, San Fernando City, La Union.
Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay Barangay Kagawad Dionisio Camarao at Abelardo Borja Jr. sinabi ng mga ito na mananagot ang sinuman na nanamantala sa sitwasyon, habang sila’y abala sa pagiging frontliner bunsod ng COVID 19 pandemic.
Nagulat na lamang ang konseho barangay nang iparating sa kanila ang impormasyon na naputol lahat ang mga bakawan sa palaisdaan, bagay na pagby-pass ito para sa kanila dahil sa kawalan ng permiso.
Una nang inireklamo ito ng mga residente na malapit sa Purok 6 dahil mahalaga para sa kanila ang bakawan.
Nagsisilbi kasi itong bahay ng mga isda, panangga sa malakas na alon o agos ng tubig at naglilinis sa waterway mula sa makapaminsalang kemikal sa tubig.