-- Advertisements --

Pinuri ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Senado dahil sa ratipikasyon ng Treaty on the Prohibition of Nuclear Weapons (TPNW).

Sa isang pahayag, sinabi ng Malacañang na pinuri ng Pangulong Duterte ang pagratipika ng Senado sa kasunduan na isang “milestone” sa pagkamit ng mundong malaya sa paggamit ng nuclear weapons.

Bilang state party sa TPNW, inihayag ng Pangulong Duterte na nananatiling tapat ang Pilipinas sa polisiya ng kalayaan mula sa nuclear weapons sa bansa, alinsunod sa 1987 Constitution.

Ito rin aniya ay commitment ng bansa upang tuluyan nang maalis ang mga weapons of mass destruction, gaya ng pagpapatibay rin ng bansa sa Southeast Asia Nuclear Weapons Free Zone (SEANWFZ), Nuclear Non- Proliferation Treaty, at ang Chemical and Biological Weapons Conventions.

“As I said during my address at the United Nations General Assembly General Debate, the Philippines joins hands with like-minded states in pushing for the complete prohibition of the development, possession, use, and transfer of nuclear weapons,” wika ni Duterte.

Binigyang-diin din ng Pangulong Duterte ang pangangailangan ng mga estado na mag-commit upang mapigilan ang mga nuclear incidents sa harap ng mas kumplikado umanong global security landscape.

Aniya, ang nuclear proliferation ay isang banta sa global security at hindi umano ginagarantiya ng nuclear deterrence ang pagkakaroon ng international peace and security.

“The only guarantee is the total elimination of nuclear weapons from the face of the earth. The TPNW provides this guarantee,” dagdag nito.

Una rito, sa botong 23-0 niratipikahan ng Senado ang Senate Resolution 620 na si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III ang siyang pangunahing may-akda.