-- Advertisements --
Hermogenes Esperon
NSA Hermogenes Esperon, Jr.

DAGUPAN CITY – Lumang tugtugin na kung ituring ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr ang inilabas na record ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kamakailan kung saan umabot sa 513 kabataan ang na-recruit umano ng CPP-NPA mula 1999 hanggang 2019.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Esperon, sinabi nito na noon pa man ay nagkakaroon na ng mga recruitment ang mga NPA sa iba’t ibang paaralan kung kaya’t hindi na aniya ito maituturing na bagong balita.

Aniya, maraming mga makakaliwang grupo ang nanghihikayat sa mga estudyante na maging aktibista sa murang edad pa lamang.

Sa katunayan pa nga ayon kay Esperon, bata pa lamang siya ng aktwal niyang masaksihan ang pang-aalok ng mga NPA na maging kasapi nila ang kanyang matalik na kaibigan.

Pahayag pa niya, legal noon ang mga organisasyon ng makakaliwang grupo kaya’t hindi aniya nababahala ang pamahalaan sa mga ganitong uri ng hakbang.

Una rito, ibinigay ng AFP kay Sen. Ronald dela Rosa, chairman ng committee on public order and drugs ang rekord na nagsasabing nasa 513 na mga kabataan sa bansa ang na-recruit ng makakaliwang grupo.

Sa 513 bilang ng mga kabataan, 362 sa mga ito ang sumuko,134 ang nahuli at 17 ang napatay.