LEGAZPI CITY — Kailangan pa umanong pag-aralan ng mabuti ang pagkakaroon ng cloud seeding bago ito irekomenda bilang solusyon sa nararanasang matinding init.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Department of Agriculture (DA) Bicol spokesperson Emily Bordado, itinuturing na last resort ang cloud seeding kung malala na ang sitwasyon.
Malaking pera rin aniya ang kinakailangan para sa hakbang at kung minsan, hindi tumpak o accurate dahil nagdedepende ito sa presensya ng rain cloud o density ng ulap.
Maliban dito, sinabi ni Bordado na may downside effects din ang hakbang kung saan posibleng maapektuhan ang ibang mga tanim lalo na ang mga namumulaklak na mangga.
Posible rin umanong bumitak ang mga tanim na pakwan dahil sa pag-spray ng tubig na may asin.
Samantala, isinasailalim ngayon sa validation at consolidation ang mga ipinasang damage report ng bawat munisipyo na ipapadala naman sa central office upang maging basehan ng gagawing intervention.