Tiniyak ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na inaasahan na sa susunod na linggo ang pagrelease ng mga buffer stock ng bigas mula sa National Food Authority (NFA).
Ani Laurel, ongoing na ang proseso ng releasing ng buffer stocks na tinatayang aabot sa 150,000 metric tons na siyang ibebenta ng departamento sa mga local government units.
Paliwanag niya, ongoing na ang documentation nito sa pagitan ng NFA at Food Terminal Inc. (FTI) at pagkatapos ay agad na ibibigay ng FTI sa mga LGU’s ang mga kaukulang dokumento para sa inaasahang releasing ng mga bigas sa susunod na linggo.
Sa datos ni Laurel, higit nasa 50 na ang mga local government units sa buong bansa ang nagpakita ng interes na bumili ng mga NFA rice kapag tuluyan na itong na-release.
Sa Metro Manila, nauna na magpadala ng intent ang San Juan City at Navotas habang sa bahagi naman ng Visayas ay maguumpisa ito sa Iloilo at sa iba pang bahagi ng bansa.
Samantala, sa naging ekslusibong panayam naman ng Bombo Radyo kay NFA Administrator Larry Lacson, sapat pa aniya ang pondo na mayroon ang NFA na nagkakahalagang P9 bilyong piso para makabili muli ng bigas sa mga lokal na magsasaka kapag umalwan na ang mga bodega ng kanilang ahensya.
Ani Lacson, ang magiging benta na makukuha ng NFA mula sa pagbili ng FTI sa kanila ng mga naturang stocks ay mapupunta rin aniya sa kanilang pondo na maaari namang gamitin sa kanilang mga operasyon.
Sa ngayon ay nananatili sa bentahan na P35/kilo ang mga NFA rice na siyang batay sa price mandate ng NFA na karagdagang tubo ng P2/kilo nito.