-- Advertisements --

Sinabi ni Senadora Grace Poe na ang pagrepaso sa kontrobersyal na jeepney modernization program ay isang pagkakataon upang gawin itong tama, makaturangan, at makatao. 

Kahapon, bumuo si Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ng isang komite na kukonsulta sa lahat ng stakeholders upang matukoy ang kanilang mga alalahanin sa programa. 

Ang komite ay binubuo ng mga opisyal ng Road Transport Sector ng Department of Transportation, Land Transportation Office Chief Vigor Mendoza, at bagong hinirang na Office of Transportation Cooperatives na si Mon Ilagan.

Ayon kay Poe, ang pagsusuri sa programa ay hindi lamang dapat nakatuon sa kung papaano ito maipatutupad nang maayos kundi dapat ding balikan ang stwasyon ng mga tsuper at operator na nalugi dahil sa napakamahal na presyo ng mga jeepney units.

Kailangan aniya ng modernization program na papabor sa lahat. 

Gayunpaman, tiwala si Poe, sa binuong bagong special committee na kukonsulta sa transportation at commuters groups, private sectors, local government units at iba pang concerned stakeholders upang makabuo ng isang komprehensibong solusyon sa sitwasyon ng programa.