-- Advertisements --

LAOAG CITY – Hindi naging madali para sa mga kasapi ng PNP at BFP sa bayan ng Pasuquin ang pagrescue sa lalaking natrap sa balon na may lalim na 10 talampakan sa Barangay Nagsanga.

Nakilala ang biktima na si Ronald Lagaso, may asawa at residente sa Barangay Susugaen sa naturang bayan.

Ayon kay Police Chief Master Sergeant Roel Silvestre, ang deputy chief of police ng PNP-Pasuquin, kaninang alas-dyes ng umaga ay bumaba ang biktima sa balon para linisin ito ngunit dahil nakaramdam ng pagkahilo at hindi makahinga ay nagdesisyon bumalik sa taas.

Ngunit hindi na nakabalik sa taas ito dahil humaharang ang kanyang likod at tuhod at dahil dito ay tinulungan ng kanyang kasama ngunit nabigo rin ito.

Posible umano na-suffocate ang biktima at dahil malakas ang tubig sa balon ay inabot rin nito kung saan natrap ang lalaki.

Nabatid na ang balon ay masikip sa bandang itaas at ito rin umano ang dahilan kung bakit hindi agad nakalabas ang biktima.

Makalipas ng higit dalawang oras ay pumunta na rin sa lugar ang mga nurse at doktor mula sa Rural Health Unit at gumamit na rin ang rescue team ng backhoe ng lokal pamahalaan.

Ito ay ginamit para mahukay ang lupa sa gilid ng balon.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon sa naturang insidente.