-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Naging matagumpay ang unang boundary dispute dialogue na isinagawa sa pagitan ng probinsya ng Cotabato at Bukidnon.

Ang nasabing dayalogo ay pinangunahan ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño Mendoza at Bukidnon Governor Rogelio Neil P. Roque na parehong positibo sa agarang pagresolba ng boundary disputes sa pagitan ng Arakan, Cotabato at Kitao-tao, Bukidnon; Carmen, Cotabato at Kadingilan, Bukidnon at President Roxas Cotabato at Damulog, Bukidnon.

Napagkaisahan sa pagpupulong na una munang reresolbahin ang boundary dispute sa pagitan ng munisipyo ng Carmen at Kadingilan.

Kabilang sa mga naging rekomendasyon sa nasabing dayalogo na dinaluhan ng mga opisyal mula sa pamahalaang panlalawigan ng Cotabato at Bukidnon ay ang sumusunod:

-Pagpapatibay ng nilagdaang Memorandum of Agreement noong 1999, na inamyendahan noong 2008 na siyang magiging basehan sa pagresolba ng nasabing alitan.

-Pagbibigay ng pondo na nagkakahalaga ng tig P1M bawat Provincial Local Government Units na nakasaad sa MOA na gagamitin sa pagpapasurvey ng boundary partikular na sa bayan ng Carmen at Kadingilan.

-Pagpapanatili ng status quo sa (3) tatlong mga boundaries na nabanggit habang inaayos at nireresolba pa ang problema.

  • At ang pagsusumite ng action plan na gagawin ng DENR 10 at 12 na kailangan aprobahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Cotabato at Bukidnon.

Nagpasalamat naman si Governor Lala Mendoza sa kooperasyon ng PLGU Bukidnon at nangakong susuportahan ang lahat ng hakbang para maayos ang boundary conflicts sa pagitan ng dalawang lalawigan.

Muling magsasagawa ng pagpupulong ang dalawang probinsya pagkatapos na magsagawa ng survey sa boundary ng Carmen at Kadingilan ang Department of Environment and Natural Resources ng dalawang probinsya.