Prayoridad ng bagong talagang officer-in-charge ng Land Transportation office na bigyang solusyon ang kakulangan sa plaka at plastic license cards na kasalukuyang problema ng ahensya.
Sa loob ng labing limang araw ay magsasagawa raw ng physical at financial inventory upang malaman ang status ngayon ng Land Transportation Office.
Bagamat patuloy naman raw ang bidding process para sa procurement ng license cards, ay kinakailangan paring masuri kung ano na ang mga susunod na hakbang upang ma resolba ang problemang kinakaharap ng ahensya.
Ayon pa kay Atty. Villacorta, ipagpapatuloy niya raw ang magandang nasimulan ni outgoing Land Transportation Office Chief Atty. Jay Art Tugade.
Bukas, Hunyo 1 ay pormal nang uupo sa pwesto si Atty. Villacorta bilang bagong officer-in-charge ng ahensya.
Samantala, buo naman ang tiwala ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista kay Atty. Villacorta na magagampanan nito ang kanyang trabaho bilang siya na ang mamumuno sa Land Transportation Office.
Sa ngayon ay officer in charge pa lamang umano si Atty. Villacorta habang hinihintay pa ang permanent appointment ni Pangulong Bong Bong Marcos Jr. sa posisyon.
Kung maaalala, nagsimula ang problema ng Land Transportation Office kaugnay ng pagkakaubosan ng plastic drivers license card nitong mga nakaraang buwan lamang.
Ito ay sinundan ng banta ng pagkaubos naman ng mga plaka para sa mga sasakyan.
Dahil dito, pansamantalang nag isyu ang Land Transportation Office ng mga papel na lisensya kung saan mayroon naman raw itong QR code upang ma verify ang impormasyon dito.
Plano rin ng ahensya na maglunsad ng digital drivers license nang sa gayon ay maging accessible na ito sa publiko.
Sa ngayon patuloy parin na ang paghahanap ng Land Transportation Office ng solusyon kaugnay sa patong patong na problemang kinakaharap ng ahensya.