-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nag-iwan ng apat na kataong patay at apat ang sugatan sa pamamaril sa Sitio Danglas, Barangay Labut, Magsingal, Ilocos Sur.

Nakilala ang mga biktima mula sa kampo ng mayoral candidate na si Lorry Salvador at vice mayoral candidate Larry Ceria na sina Recto Bagana Bacdaya ng Barangay Ayyeng, Manabo, Abra; Jovito Ramos Tumaneng ng Barangay Bagut, Dingras, Ilocos Norte; retired enlisted Philippine Army, Lerry Pol Harmon Torda ng Barangay Maratudo, Magsingal; William Sican Bulil-lit ng Barangay Bagbaquezo, Carasi, Ilocos Norte; dating CAFGU member at dating kapitan sugatan naman sina Teofilo Urro Taasin driver ni Ceria at Kenneth Salvador Seatriz na manager ng isang gasolinahan.

Sugatan din sa pangyayari mula sa grupo ni Mayoral Candidate Alrico Favis sina Albert Ascueta Banez ng Barangay San Ramon, Magsingal at Romnick Villanueva; habang naaresto ang supporter nito na sina Minelio Tolentino Oliver na nakuhanan ng isang caliber 45 armscor at Eddie Unciano Undo parehong residente ng Barangay Patong sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Vigan, nagtungo sa lugar ang grupo nina Salvador at Ceria upang respondehan ang umano’y vote buying nang magkainitan hanggang nauwi sa pamamaril.

Dead on arrival ang apat na biktima sa Ilocos Sur Distrcit Hospital Magsingal habang ang iba naman ay patuloy na ginagamot sa ospital.

Kaagad na ipinag-utos ni Ilocos Sur Governor Ryan Singson ang karagdagang puwersa ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa bayan upang protektahan ang mga residente sa mga posibleng mangyari.

Isa ang bayan ng Magsingal na binabantayan ng mga otoridad dahil sa mainit na laban sa politika habang papalapit ang May 9, 2022 election.