-- Advertisements --

Itinuturing ng Malacañang na “premature” o masyado pang maagang sabihing inaabuso ang probisyon sa Omnibus Election Code na nagpapahintulot ng substitution sa mga kandidatong tatakbo sa eleksyon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, wala pa naman sa mga nakapaghain na ng certificate of candidacy (COC) para sa 2022 national elections ang napalitan na sa pamamagitan ng substitution.

Ayon kasy Sec. Roque, hintayin na muna ang Nobyembre 15 kung may mapapa-substitute sa mga naghain na ng COC lalo sa pagka-presidente, bise presidente at senador.

Kabilang sa pinagdududahang COC sa pagka-presidente ang kay Sen. Bato dela Rosa na sinasabi ng mga kritiko na reserba ito para kay Davao City mayor Sara Duterte-Carpio kapag nagbago ang isip at tatakbo na itong presidente.

Si Dela Rosa ang ka-tandem ni Sen. Christopher “Bong Go” na naghain na ng COC sa pagka-bise presidente sa ilalim ng PDP-Laban.

Maging ang partidong Lakas-CMD ay inaming nagpahain din ng mga COC para sa pagka-presidente para sa posible nilang susuportahang presaidential candidate na hindi nakapaghain ng COC noong Oktubre 8.

Ilang mambabatas na ang nagpanukalang repasuhin ang probisyon ng nasabing batas para maiwasang ginagawang katatawanan ang halalan sa bansa at maiwasan ang mga pag-abuso sa paghahain ng COC ng mga “fake candidates” na kalaunan ay papalitan din ng ibang kandidato.

“Hindi ko alam kung saan ang pang-aabuso kasi wala pa namang nagsa-substitute, so siguro po magkakaroon tayo ng conclusion kung meron ngang nag-substitute,” ani Sec. Roque. “So sa ngayon po wala pa namang kahit sinong nagsa-substitute, premature po para sabihing inaabuso.”