BUTUAN CITY – Inatasan na ng Police Regional Office (PRO)-13 ang Cantilan Municipal Police Station at ang Surigao del Sur Police Provincial Office na magsagawa ng malalimang imbestigasyon hinggil sa pagsabog sa loob ng isang bangka habang nasa daungan.
Ayon kay Lt. Col. Christian Rafols ll, hepe ng Public Information Office ng PRO-13, lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng Cantilan Municipal Police Station at Surigao del Sur Police Provincial Office, paalis na sana ang cargo motorboat na M/V LPC mula sa pantalan ng Purok 3, Barangay Consuelo sa bayan ng Cantilan pasado alas-2:30 nitong nakalipas na madaling araw nang biglang may sumabog nang papaandarin na sana ang makina nito.
Nalaman pa na ang nasabing bangka ay puno ng mga kargang blue plastic drums na may lamang tinatayang 30,000 litro ng gasolina na idini-deliver ng fuel truck.
Magkasamang ni-rescue ng mga personahe ng Cantilan Fire Station at Cantilan Municipal Police Station rescue team ang mga tripolante ng cargo boat na kinabibilangan ng walo nasugatang crews.
Nakilala ang mga ito na sina Juvel Dacera, 39-anyos na taga Purok-5, Barangay Navarro; Julever Dacera, 24, taga Purok-1, Barangay Taruc; Eunerio Caindoy, 40, ng Bagakay, Del Carmen; Joel Consigna, 50, ng Purok-5, Navarro; Kevin Dasera, 19, ng Purok-1, at June Piao Bohol, 24, ng Purok-1, Barangay Taruc, parehong sakop ng bayan ng Socorro; pati na sina Junerel Ruaya, 26, ng Barangay 13 at Reneboy Tuburan, 36, ng Barangay 2, parehong sakop ng bayan ng Dapa, Surigao del Norte.
Kaagad silang dinala sa district hospital sa bayan ng Madrid, Surigao del Sur, dahil sa natamong first at second degree burns kung saan lima sa kanila ang ini-refer sa Davao City habang sa mainland Surigao City naman ang dalawang iba pa.